Pagkahilig sa Matatamis na Pagkain, Maaaring Humantong sa Depression?
ni Charles Brent Camacho
Sa pananaliksik ng University of Surrey, na matatagpuan sa Journal of Translational Medicine, napag-alaman na mas stressed at depressed ang mga mahihilig sa mga matatamis na pagkain kaysa sa mga hindi mahilig nito.
Pinag-aralan at ginawang pribado ang impormasyon ng mga nagboluntaryo para sa pananaliksik na ito. Sila ay binubuo ng 180,000 katao mula sa UK Biobank.
Gamit ang Artificial Intelligence (AI), hinati sa tatlong kategorya ang mga nagboluntaryong respondente: Health-conscious, Omnivore, at Sweet Tooth.
Ang mga Health-conscious ay mas gusto ang mga prutas at gulay kaysa sa mga pagkain ng hayop at matamis na pagkain. Ang mga Omnivore naman ay gusto ang karamihan na mga pagkain, kabilang ang karne, isda, at ilang mga gulay, pati na rin ang mga matatamis at panghimagas. At ang mga Sweet Tooth naman ay mas pinipili ang mga matatamis na pagkain at inumin kaysa sa mga masustansyang pagkain.
Ayon kay Professor Nophar Geifman, isa sa mga manananaliksik ng naturang pag-aaral at propesor mula sa nasabing unibersidad, natuklasan sa kanilang pag-aaral na ang mga taong mahihilig sa matatamis ay may 31% posibilidad na makaranas ng depresyon at mataas din ang tyansang magkaroon sila ng diabetes at problema sa puso kaysa sa dalawang grupo.
Dahil sa kanilang pananaliksik, natuklasan na may epekto ang pagiging mahilig sa matatamis na pagkain. Bukod sa diabetes at problema sa puso, maaari ring makaranas ng depression ang mga mahihilig sa mga ito. Ikaw? Kinahihiligan mo ba ang pagkain ng matatamis?
Sanggunian:
University of Surrey (2024, Setyembre 19). Sweet Cravings Linked to Depression and Diabetes Risks. SciTech Daily. https://scitechdaily.com/sweet-cravings-linked-to-depression-and-diabetes-risks/
Para sa iba pang artikulo: https://saringsing24.blogspot.com/
Makipag-ugnayan sa amin. Bisitahin ang aming FB Page: https://web.facebook.com/Saringsing24
.png)
0 Mga Komento