Nakamamatay na Nilalang, Susi sa Lunas para sa Diabetes
ni Charles Brent Camacho
Ang cone snail ay mayroong consomatin, isang toxin na maaaring maging lunas sa diabetes at mga sakit na may kinalaman sa hormone sa pamamagitan ng panggagaya nito sa somatostatin.
Sa isang bagong pag-aaral na nailathala sa Nature Communications, napag-alaman na ang isang uri ng kuhol na tinatawag na cone snail na isa rin sa pinakanakamamatay na nilalang sa mundo, ay maaaring pagmulan ng lunas sa karamdaman tulad ng diabetes at iba pang may kinalaman sa sakit sa hormone.
Ang mga cone snail ay isa sa mga pinakadelikadong nilalang sa mundo dahil sa kamandag nito. Karamihan sa mga ito ay naninirahan sa dagat ng Palau. Ayon sa mga siyentista na nagsusuri nito, ang cone snail ay mayroong consomatin na maaaring maging gamot sa diabetes sa mahabang panahon dahil ginagaya nito ang somatostatin.
![]() |
| Sariwang ani na cone snails ng Safavi Lab via scitechdaily.com |
Natuklasan ng isang grupo ng mga siyentista sa pangunguna ng University of Utah na ang cone snail ay may toxin na tinatawag na consomatin. Ito ay gumagaya sa human hormone na somatostatin na nagbabalanse ng blood sugar levels at iba pang mga hormones sa katawan ng tao. Ito ay mas tiyak at mas kinakikitaan ng potensyal na blueprint para maging gamot.
Ang consomatin ay mas tumatagal sa ating katawan kaysa sa somatostatin dahil sa amino acid na nagiging dahilan upang hindi agad matunaw ang naunang nabanggit. Ang bagong tuklas na ito ay makatutulong sa mga pharmaceutical researchers na makagawa ng gamot na may long-lasting benefits.
Ayon kay Dr. Helena Safavi, isang associate professor ng biochemistry sa Spencer Fox Eccles School of Medicine (SFESOM) ng University of Utah at isa rin sa mga may-akda ng pag-aaral na ito, ang iba't ibang klase ng mga makamandag na hayop ay may partikular na target sa kanilang biktima para madistroso ito at ang target ng cone snail ay ang mga molecule na protina sa katawan ng kanilang biktima.
Napag-alaman din ng pangkat nina Safavi na ang consomatin hindi lang gumagana o nagtratrabaho nang mag-isa, kaagapay nito ang isa pang toxin na kahawig ng insulin na nakapagpapababa ng blood sugar levels agad-agad dahilan para mawalan ng malay ang biktima nito. Hinahadlangan din nito ang blood sugar levels na tumaas o maging normal muli.
Ang bagong tuklas na ito ay patunay na hindi pa sapat ang ating kaalaman sa ating paligid. Patuloy ang mga siyentista sa pagtuklas ng mga bagay tulad ng lunas sa mga matitinding karamdaman. Sino ang ang mag-aakala na ang isa sa pinakanakamamatay na nilalang sa mundo ay may potensyal na maging lunas sa diabetes?
Sanggunian:
University of Utah Health (2024, Agosto 26). Scientists Discover Potential Diabetes Treatment in Venom of One of the World's Deadliest Creatures. SciTech Daily. https://scitechdaily.com/scientists-discover-potential-diabetes-treatment-in-venom-of-one-of-the-worlds-deadliest-creatures/
Makipag-ugnayan sa amin. Bisitahin ang aming FB Page: https://web.facebook.com/Saringsing24


0 Mga Komento