Wika Kabigkis ng Kasaysayan: Tagalog, Pilipino, o Filipino?

ni:  Suzie Mae A. Pontillas

    Libro o Aklat - masasabi mo ba kung alin sa dalawang salita ang Tagalog, Pilipino, o Filipino?

    Ang mga salitang "Tagalog," "Pilipino," at "Filipino" ay madalas na naririnig at pinag-uusapan, lalo na sa usapin ng wika at pagkakakilanlan ng mga mamamayan ng Pilipinas. Ang pagkakaiba ng mga ito ay hindi lamang basta-basta, sapagkat ang mga ito ay may kaakibat na kwento na bahagi ng kasaysayan.

    Bawat terminong ito ay may malalim na ugat sa kasaysayan at may kaniya-kaniyang papel sa paghubog ng pambansang wika at identidad. Kaya naman, mahalagang bigyang-linaw at unawain ang pagkakaiba ng tatlo upang mas mapalalim pa ang kaalaman sa sariling wika at kultura. Sino pa nga bang magpapahalaga sa sarilingwika, kasaysayan, at kultura kung hindi mismong mga Pilipino, hindi ba?

   Inilahad ni Prof. Vincent Wongaiham-Petersen, isang Filipino Language Professor, sa isang video na ipinaskil sa Facebook Page ng Philippine Consulate General in Frankfurt noong ika-1 ng Agosto, 2024, ang pagkakaiba at kasaysayan sa likod ng mga terminong ito.

     Wika ni Prof. Wongaiham-Petersen, sa panahon ng administrasyong Quezon, naging batayan ang Tagalog ng Wikang Pambansa na tinawag na Pilipino kalaunan. Ipinakilala naman ang Filipino bilang Wikang Pambansa taong 1973 at naging opisyal sa 1987 constitution. 

Si Prof. Vincent Wongaiham-Petersen sa kaniyang paglalahad sa pagkakaiba ng Tagalog, Pilipino, at Filipino via Philippine Consulate General in Frankfurt | Facebook

    Tagalog - Ang simula ng lahat

    Ang tagalog ay isa sa pinakamatandang wika sa Pilipinas, Ito ay mga wikang nagmula sa rehiyon ng Luzon, partikular sa Bulacan, Batangas, Laguna at Metro Manila. Ang tagalog ang pangunahing wika ng kilusang mapagpalaya noong panahon ng kolonyalismo. Ang wika ay may malalim na ugat sa kultura at tradisyon.

    Maririnig mo ang Tagalog kahit saang sulok ng kalye. Katulad na lamang sa mga nagtitinda sa palengke, o kahit sa mga taong nakatambay sa gilid. Kaya't hindi nakapagtataka na maging sa tula't awitin na naglalaman ng damdamin ng mga Pilipino.

    Filipino - Ang wikang nagbubuklod

    Ang Filipino ay isang progresibong wika na naglalaman ng mga hiram na salita mula sa iba't ibang wika ng Pilipinas, gaya ng Cebuano, Ilocano, Hiligaynon at maging mga banyagang wika tulad ng Ingles at Espanyol. Sa mga balita sa telebisyon, mga dokumento ng gobyerno, at maging sa mga talakayan tungkol sa mga komunikasyon. Isang wikang naglalaman ng kolektibong karanasan bilang isang bansa.

    Pilipino - Ang nakaraang Wikang Pambansa

    Ang Pilipino ay ginamit mula noong 1940's hanggang sa maagang bahagi ng 1970's upang tukuyin ang Pambansang Wika. Ito ay naging opisyal na wika noong panahon ng dating Pangulong Manuel L. Quezon. Sa panahong ito, ang Pilipino ay halos kasingkahulugan ng Tagalog. Subalit, nang ipasa ang 1987 konsitusyon, ang Pilipino ay pinalitan ng Filipino bilang opisyal ng Pambansang Wika. 

    Ano man ang iyong bigkasin, gamitin mo man ang Filipinong salita na Libro o ang Tagalog na salitang Aklat, ngayon ay alam mo na ang kwento sa likod ng mga salitang ito.

    Ang pagkakaiba ng Tagalog, Filipino at Pilipino ay hindi lamang sa katawagan nito. Ang istorya ng mga ito ay malalim at sumasalamin sa kasaysayan, kultura, at sa patuloy na paglalakbay ng Pilipinas bilang isang bansa. Ang wika, katulad ng bansa, ay isang buhay na patunay ng katatagan at pagkakaisa. Bilang Pilipino, patuloy na payabungin ang wika at pahalagahan ang kabigkis nitong kasaysayan.


Sanggunian:

Philippine Consulate General in Frankfurt. (2024, Agosto 1). TAGALOG, PILIPINO, or FILIPINO—what’s the difference? Tune in with Prof. Vincent Wongaiham-Petersen for a thorough and engaging explanation. [Video]. Facebook. https://web.facebook.com/PHinFrankfurt/videos/483804174431762

Tagalog Lang. Filipino? Tagalog? Pilipino?. Tagalog Lang. https://www.tagaloglang.com/filipino-tagalog-pilipino/

Para sa iba pang artikulo: https://saringsing24.blogspot.com/

Makipag-ugnayan sa amin. Bisitahin ang aming FB Page: https://web.facebook.com/Saringsing24