"Kaban ng Juan, Gamitin sa Tama"
ni Joy Angelie A. Mandal
Kaban ni Juan, pinambili ng kagamitan ngunit iniwang nakatengga sa bodega?
Ayon sa Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, Sec. Sonny Angara, ikinagulat niya ang 1.5 milyong halaga ng laptop, libro, at iba pang kagamitan na nakatengga sa bodega ng kagawaran. Ang mga ito ay apat na taon nang nasa bodega lamang.
Maraming paaralan ang nangangailangan ng mga laptop, libro, at iba pang kagamitan ngunit hindi ito naibibigay sa kanila. Apat (4) na baitang sa Greendale Residences Integrated School (GRIS) ang nagtitiis sa gymnasium ng paaralan dahil sa wala silang mga silid-aralan. Kahit na sa gitna ng init at ingay, patuloy silang nagsusumikap na mag-aral.
Mahalagang magkaroon ng klasrum at mga kagamitan ang isang baitang upang makapag-aral nang maayos ang mga mag-aaral at para hindi sila magambala sa ingay ng kanilang paligid. Ang mga kabataang Juan ay nangangailangan at karapatdapat na magkaroon ng isang ligtas at komportableng klasrum. Ang kawalan ng klasrum ay hindi lamang nagdudulot ng kawalan ng pokus, ngunit maaari ring magdulot ng mga problema sa kanilang kalusugan.
Ang kaban ni Juan ay pinagkukunan ng pondo para sa mga Pilipino. Dapat nating tiyakin na ginagamit ito nang maayos at may pananagutan. Ang pagiging mapanuri sa paggastos ng gobyerno ay mahalaga kaysa mauwi sa kawalan.
Ang kaban ng bayan ay hindi dapat sayangin. Bawat piso ay mahalaga at nagmula sa paghihirap ng mga mamamayan. Dapat nating tiyakin na ginagamit ito nang tama para sa kapakanan ng lahat. Ang paggamit nito nang maayos ay isang pagpapakita ng malasakit at pagtulong sa ating mga kapwa Pilipino.
Ibigay ang para kay Juan. Huwag sayangin ang pondong sa kaniya ay nakalaan! Kabataang Juan, gumising at maging mapanuri. Kaban mo ay pag-ukulan ng pansin!
Sanggunian:
GMA Integrated News (2024, Setyembre 2). Angara, nagulat sa mga laptop, libro at iba pang gamit ng DepEd na 4 taong nang nakatengga sa bodega. GMA NEWS BALITAMBAYAN. https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/919056/angara-nagulat-sa-mga-laptop-libro-at-iba-pang-gamit-ng-deped-na-4-na-taon-nang-nakatengga-sa-bod/story/
Para sa iba pang artikulo: https://saringsing24.blogspot.com/
Makipag-ugnayan sa amin. Bisitahin ang aming FB Page: https://web.facebook.com/Saringsing24
0 Mga Komento